Pinilit kong matulog sa pag-aakalang magigising ako at malalaman kong panaginip lang pala ang lahat. NGunit ako ay bigo. Kahit ang panandaliang pag-idlip ay di mapagbigya ng isipan kong pagod, ng damdamin kong hapis at malapit nang maubusan ng pakiramdam, at ng pusong naghihingalo at kinakapos na ng pag-asa.
May mga tanong na kahit di pa man namumutawi sa mg labi ay malinaw nang kasagutan. Marahil, sadyang ganun ang buhay. Mag-umalpas ka man sa pagtutol at magpilit ka mang lumikha ng sariling landas na maitututring mong akma sa iyo, di pa rin basta nananaig ang sariling kagustuhan.
May tadhanang nakalaan at tayo'y wala nang magagawa kundi sumunod, magpaubaya, makibagay at matutong tumanggap ng mga pagsubok na dala ng bawat bukas. Kung bakit ganun at kung para sa anong dahilan ay di na sakop at abot ng kakayahan ng aking pang-unawa. Tayo ay mga abang nilalang lamag na para bagang pinaparusahan. Tanging bulag na pagtalima ang kailangan.
Ang mga nagmamatyag, matandain at maabilidad ang madalas na nagwawagi. Ang mahihina ang loob ay di nagtatagal. Ang di bumubigay ay ginagantimpalaan. Ang patuloy na umaasa ay binibigyan ng sapat na lakas upang patuloy na makipaglaban. Ang di bumibitaw sa paniniwala ay pinagpapala.
(akda habang gulat at tulala sa katatapos na insidente ng nakawan sa bahay...bakit ganun? ako uli? bakit?)