Pages

Thursday, August 4, 2011

BAGONG BUHAY

Mas payat na ako. Maluwag na ang dating masisikip na mga pantalon. Pero ayos lang kahit payat. Pangarap ko ito. Magagamit ko na uli ang santambak na mga damit mula nung kabataan ko pa. Di na kailangang bumili ng bago.

Mas marami na akong oras gumawa ng iba. Pero mas wala akong nagagawa. May life after work na din, pero ang night life ko ay umaga. Gising kasi ako sa oras ng tulog. Minsan pa, wala talagang tulog. Di kasi madaling matulog sa nakasanayang oras ng pagiging gising. Pero ayos lang, di pa naman ako bumabagsak sa antok.

Mas prominente na ang identifying mark ko. Di na maikakaila and panda look ko. Kung dati, walang tumatalo sa akin sa lawak ng eye shade, mas lalo na silang mahihirapan ngayon na daigin ako sa larangang ito. Pero ayos lang. Di naman ako masyadong conscious. Mukha namang "in" siya ngayon.

Mas maayos na ang buhok ko. Dahil nga may panahon na ako, wala na ang mga tikwas at unwanted curves. Sumusunod na siya sa galaw. Pero maayos nga ang buhok ko, mas magulo naman ang laman ng utak ko. Siguro ganyan lang talaga kapag bago...maraming bagay ang di alam na pilit inaalam na di naman agad nalalaman dahil iba-iba ang nag-papaalam. Pero ayos lang. Alam ko namang darating ang araw ng ganap na pagkatuto. Kailangan lang maging matiyaga habang naghihintay.


Mas konti na lang ang pinaghahandaan ko ngayon. Kung dati parang nasa pangangalaga ko ang mundo, ngayon, sarili ko lang ang kailangan kong bantayan. Nakakalungkot na unti-unti ko nang nakakalimutan ang mga dati kong kinasanayan. Pero ayos lang. Ganun ata talaga, kailangan pagbigyan ang bagong natututunan.

Mas marami na din akong kaibigan. Kahit bago, mapalad akong nakatagpo ng mga mababait at maalalahaning mga katuwang sa kabuhayan. Tila kasabay ng pamamaalam ng  "einstein look" (aka masyadong malayang buhok) ang paglisan ni Eins. Pinalitan na siya ni Anya. Iba na ang bukambibig. Iba na ang inaalala. Iba na ang ibinabahaging kaalaman. Bagong buhay, bagong pangalan, panibagong pakikibaka.


Kumusta na nga ba ako ngayon? AYOS LANG. :)


Tumatawa pa rin. Kumikita pa rin. Di pa naman napapagod. Nag-e-enjoy sa kakaibang karanasan. Patuloy na nagsisilbi, di nga lang pang-maramihan. Patuloy na nagsasanay sa bagong larangan. Patuloy na nagdarasal upang patnubayan ng Kanyang kapangyarihan. Patuloy na umaasang, kahit saan at ano pa man, mananatiling tapat sa layuning gumawa ng kabutihan.


Ikaw? Kumusta ka na?


Sana'y ayos lang din, kaibigan, :)





No comments:

Post a Comment