Pages

Saturday, December 3, 2011

ANG HULING LIMANG MINUTO

Tatlo. Tatlong pagkakataon lang ng pagkakamali ang pinahihintulutan.
Tulog. Kulang na kulang dahil sa pabago-bagong oras ng trabaho.
Trapik. Mabagal pa sa pagong ang usad ng mga sasakyan.
Torture!

Marahil naranasan mo na ang pagkakataong hiniling mo nang matindi na magkaroon ng kapangyarihan na gagamitin mo lamang sa pangunahing pangangailangan. Yung bang dapat ay may ginagawa ka pero hindi mo magawa, wala kang magawa at di mo na magagawa pa dahil huli na ang lahat.
Regrets!

Suko na? Ayawan na?
Heto ang sabi ng isa kong kakilala:

May limang minuto na lang ako para umabot. Sa kinaroonan ko ngayon, batid kong mahigit pa diyan ang kakailanganin kong oras upang manatiling normal, buhay at may ipinaglalaban. Pwede na akong bumalik ngayon sa pinanggalingan ko. O kay sarap sumuko. Bahala na kung anong mangyayari bukas. Bahala na kung ano man ang mawala sa akin. Di bale na kung masayang ang pagod at hirap na akin nang ipinuhunan...

Sobrang tindi ng pagsubok na ito na di ko ata kakayanin. Ang tanging magagawa ko lang ay hayaan itong lumipas. Napapagod na din akong magdasal. Alam ko kasing huli na ang lahat. 

Sadyang napakahirap tanggapin ang mga consequence ng mga sariling kamalian. Mahirap dalhin sa konsensiya ang bigat na dulot ng sariling kagagawan. Alam kong may ginawa ako dapat. Kahit ngayon, ayoko nang isipin pa kung bakit di ko ginawa ang nararapat...

@#$%^&*@#$%^&*@#$%^&*@#$%^&*@#$%^&*@#$%^&*

Minsan di nakakatulong ang sobrang pag-iisip. Alam kong wala akong karapatang tanungin Siya kung bakit ganito,kung bakit ako, kung bakit ngayon pa. May sarili akong kapangyarihan kahit pa Siya ang mas nakaka-alam ng lahat. Ang hirap kapag sarili mo lang ang dapat sisihin. Nakapagpupuyos ng damdamin!

Sa paglipas ng huling limang minuto, nangyari ang dapat mangyari. Pero di siya sumuko.  Mahina siya kung maituturing pero iyon na marahil ang isa sa pinakamatapang niyang pagharap sa buhay. Nagpatuloy siya. Pero di rin naman siya hinayaang mag-isa. Tinigilan niya ang pag-iisip. Nanahimik siya. Nagdasal muli. Itinaas niya sa Maykapangyarihan ang mga hinanakit, pagisisi, galit, at pagnanais na mabigyan pa ng pagkakataong magpatuloy. 

Marahil isang malaking pagsubok lang talaga iyon. Sa mga sumunod na araw ay napatunayan niya na ang halaga ng buhay, pananalig, pag-asa ay di natatapos sa pagsuko. Kung nanaisin mo talaga, at kung naaayon sa plano Niya para sa'yo, mangyayari ang dapat mangyari. Huwag ka lang bibitaw, kahit pa sa huling limang minuto.

No comments:

Post a Comment