Nagising akong dama ang kaginhawaan
Sapagkat ang mahimbing kong tulog ay dala ng kapaguran
Bumangon ako't lumuhod sa may paanan ng higaan
Diyos na nagbigay buhay ay pinasalamatan
Paglabas ko s aaming munting tahanan
Napakagandang tanawin aking nasulyapan!
Liwanag na dala ng bukang-liwayway di matatawaran,
Waring napaglaruan, kulay ay sumabog sa kalangitan!
|
Good morning, sunshine! |
Kaysarap balikan ang mga araw na kasabay mo ang Haring gumising at magsinula. Ang init na dala ng kanyang sinag ay waring nagbibigay enerhiya upang magampanan ang mga tungkulin sa susunod na dalawampu't araw na oras ng pakikibaka.
Pero iba na ngayon. Sa bukang-liwayway nagtatapos ang araw ko. Tanging tanawin na lamang ang kayang tanggapin ng aking isipan. Naisip kong nakakalungkot naman. Habang ang karamihan ay pasimula na sa bagong buhay, ako patapos pa lang sa nakalipas.
Ngunit di pala ako nag-iisa. Sa halos araw-araw na paglalakbay, marami akong nakita na dati di napapansin dahil nakatutok lang ako sa magandang sikat ng araw. Meron palang mga taong halos nananalig na lang sa bagong-buhay, bagong-araw kahit di ito nakikita o nararamdaman. Sila yung patuloy na gumagawa kahit pa dis-oras, o kahit pa di pangkaraniwan ang kanilang kinalalagyan.
Si Aleng Kendi ay nagtitiis ng hamog, polusyon at masangsang na amoy ng lansangan may maipakain lang sa mga maliliit na anak na nag-aaral. Para sa kinabukasan. Kahit sa daan na matulog. Kahit konti lang ang kita.
Si Manong Dahlio ay di alintana ang gutom para lang may maipong pantustos sa pangangailangan. Humahabol sa humaharurot na dyip, sumisigaw nang buong-lakas. Parating alerto. Para sa kapakanan ng pamilya. Kahit barya-barya lang ang katumbas ng pamamalat. Kahit maulanan. Kahit minsan tinatakasan ng mapagsamantalang drayber.
Si Kuya Boy ay di sapat ang tulog ngunit parating nakabantay pa din, inaabangan ang bawat darating na sasakyang kailangang parating tumakbo. Para sa pang-matrikula. Kahit pa alam nang may masamang dulot sa kalusugan ang palagiang pagiging exposed sa likidong ibinebenta niya.
Si Mang Pistolo ay gising buong gabi upang protektahan ang gusaling nakatalaga sa ilalim ng kanyang pangangalaga. Kahit na malayo sa pamilya sa pinaka-delikadong mga oras ng araw. Para sa inaasam na kaginhawaan. Kahit pa malagay sa panganib. Kahit pa minsan ay sarili ang pinakamabigat na kalaban.
Nakakahangang-tunay ang di matatawarang lakas ng loob at pagsisikap na ipinamamalas ng mga taong ito. Marahil dahil sa mapaglarong panahon, o di-pambihirang pagkakataon, kaya sila nasadlak sa kanilang kinaroonan - pero di sila sumusuko. Patuloy silang gumigising, bumabangon, nakikibaka, namumuhay, nagmamahal, at umaasa.
Sana, sana bukas makita naman nila ang bukang-liwayway na walang antok na pinaglalabanan, na walang sakit ng katawang iniinda, na kapiling ang mga mahal sa buhay. Sana bukas, at sa susunod pang mga bukas, tumingala kaming nakangiti, nagpapasalamat at nagagalak na sa bawat pagsikat ay patuloy kaming makikipaglaban para sa minimithing kinabukasan.