Pages

Wednesday, March 21, 2012

WALANG MALAY

KWENTO
Inaalagaan naman nila akong mabuti. Subalit kailangan kong mamuhay kasama ang tunay kong pamilya. Di na magtatagal ang buhay ng Lolo ko, at wala siyang mapag-iiwanan ng mga naipundar niya. Nag-iisang anak niya ang tunay kong ama na nag-paalam sa mundo dahil sa kalungkutan at sama ng loob - di niya kinaya ang maagang pagkawala ng tunay kong ina. Kung tutuusin, ang padating ko sa mundo ang naging mitsa ng lahat. Kaya kahit mawawalay ako sa pamilyang minahal ko at nagmahal sa akin nang tunay, kakayanin ko. Di naman ako talagang lalayo. Batid kong mahaba pa ang panahong nakalaan para magsama-sama kaming muli.


Minsan ako'y tulala at parang naililigaw
Di mawari kung tulog, o namumuhay sa balintataw
Diwa ko'y nais marating ang di-abot ng tanaw
Mabuti na lang at may realidad na sa akin ay pumupukaw!


IMAHINASYON
Napakaraming tao! At napakahalaga ng selebrasyon. Di man ako ang natatanging tauhan, ayos lang. Dati ko pa alam na ako'y natatangi, kakaiba, may natatagong kapangyarihan. Habang ang lahat ay abala sa pakikinig at pakikiisa, biglang mangyayari ang di ko inaasahan. Wala na. Ito na yun. Di ko na maililihim pa ang tunay kong katangian. Oo, di ako galing sa planetang ito. Biglang aangat sa ere ang hiram kong katawan. Malfunction. Ito ang tawag sa ganitong sitwasyon. Huli na para pindutin pa ang emergency button. Iisipin ng maraming tao na naging kasalamuha ko, "kaya pala siya kakaiba, ngayon, malinaw na ang lahat."

 
Malikot, mapaglaro, kapagdaka'y mapagbiro
Mga nakatagong pagtatangi dahilan ng pagkatuliro
Walang pagsidlan mga tanong na sa isip ay pumupuno
Sa pagmulat ng mata'y damang-dama ang pagkabigo.


PANAGINIP
Matagal ko na siyang di nakikita, di nakakausap. Ngunit di maitatanggi na isa siyang mahalagang bahagi ng buhay ko. Sabay naming sinubok ang tadhana noon. Naging matagumpay kami, subalit ang aming Pagtatapos ay naging hudyat ng paghihiwalay. Kanya-kanya ng buhay. Masyado kong ininda ang pagkawala niya. Pero isipin ko man o hindi, nagpaparamdam pa rin siya - siguro sa mga panahong may pagkakataong mababanggit siya, o mapag-uusapan ng mga taong naging bahagi din ng aming nakaraan. Nakakatuwa lang na sa panaginip ko siya nakakasama, at dun lang, doon ko lang nababalitaan ang mga nangyayari sa kanya. Iwinaksi ko na ang mga ala-ala ng dating buhay upang pilit siyang makalimutan. Pero di ng siguro madaling tanggalin sa sistema ang napakahalagang pinagsamahan. Paano na? Hanggang panaginip na lang ba ang pagkakaibigang iningatan?


Kathang-isip lamang ba, o may bahid ng katotohanan,
Mga pangyayaring sumasagi, minsa'y gumugulo sa isipan?
Bakit naman kasi sa dami ng maaaring mapanaginipan,
Yun at yun din ang nasusumpungan?

 
Sadya atang tadhana ang sa atin ay lumilinang
Nakapikit man ang mata'y di siya malilinlang
Lalabas at lalabas ang kulay, damdamin mong tunay
Buhay ka man, patay, o walang malay.


(akda para kay Ito)

Iisang Lugar, Magkaibang Panahon: Panaginip? Imahinasyon?

No comments:

Post a Comment