Pages

Wednesday, March 11, 2009

BYAHENG TREN

Noong una'y ayaw ko. Naniniwala kasi alam kong mapapagod lamang ako nang husto. Nasanay kasi akong pumapasok at umuuwi na parang hatid-sundo (wala akong sariling sasakyan-madali lang talaga ang transportasyon sa bandang amin noon). Ang pag-aalinlangan kong magbyaheng-tren ay sa dahilang batid kong bago pa man ako makasampa sa istasyon ay ilang hakbang muna ang gugugulin ko sa pagpila at pag-akyat sa napakataas na platform. Datapuwa't kung may ibang paraan lang ay hindi ko na nanaisin pang umakyat kahit man lang sa bukana ng istasyon...

Hay! Pero ang buhay ay buhay. Di lahat ng naisin ay nakakamtan. Di nga ba't sa kalaunan ay napilitan din akong magbiyaheng-tren, pangunahin at panghuling dahilan ang kawalan ng mapagpipilian. ...

Sa unang mga araw ng aking paglalakbay ay lalo ko lamang ikinasama ng loob ang aking kalagayan. Walang maganda sa tren -

sikisikan,

kadalasa'y walang mauupuan,

mainit at maingay.



Ngunit sadya nga atang kayang paghilumin ng panahon ang mga sugat. Eengg! Mabalik tayo sa usapan. Di kalauna'y natanggap ko rin na ito na yun. Sa LRT na nakasalalay ang aking pagparoo't pagparito. Sinubukan kong aliwin ang aking sarili. Sa halos araw-araw na paglalakbay, nagawa kong balewalain ang init, ingay at sikip. Ako'y nagmatyag, nakinig, naging mapanuri.

Sa tren:


*Nagpiyesta ako sa iba't ibang hitsura ng mga humihingang nilalang-nakakarelax pagmasdan ang iba-ibang ekspresyon, nakakabighani ang mga pagkakaibang tanging isang makapangyarihan lamang ang may kakayahang gumawa (at minsan, sadya man o hindi, nakakatuwa ring makinig sa mga mumunting kwento ng kanilang mga buhay);

*Nagpakamakata ako sa kakasulat^ ng mga kwentong kung anu-ano lang na pati ang sapatos na walang-malay ay di nakaligtas. (ang blog na ito ay isang produkto ng aking malikhaing pagsulat -pagbigyan na't libre naman ang mangarap;^ siyempre, hindi ako sa papel nagsulat hehe!);

*Natutunan kong literal na tumayo sa aking sariling mga paa-ang kabisahin ang pagbalanse sa LRT nang siksikan at walang maupuan. (ang salitang surfing ay nabigyan ng bagong makulay na kahulugan, ang surfing sa tren ay tumutukoy sa kakayahan ng tao na matulog habang nakatayo sa loob ng tren na gumigewang-gewang)

*Nakaugalian kong magdasal ng rosaryo. (isang napakamahalagang bahagi ng aking umaga ang pagkakamit ng katahimikan ng puso at isipan sa kabila ng mga pangamba at agam-agam na dala ng panibagong araw)

*Nagkaroon ako ng panahong pagbigyan ang mga gawaing naiiba sa nakakasawang pang-araw-araw na gawain. (nakapagbabasa ako ng mga nobelang kinahihiligan ko, naimumulat ko ang aking isipan sa mga malikhaing-panulat sa Espanyol -salamat sa Instituto Cervantes, napagmamasdan ko mula sa ibang anggulo ang mga lugar na karaniwa'y di tanaw ng karamihan, napapalawak ko ang abot ng aking kaalaman, at iba pa)


Kapagdaka'y napagtanto ko na nakakaaliw naman pala ang buhay sa parihabang mundong ito.

Masalimuot subalit may kaayusan (lahat ay sumusunod sa pila kahit pa gaano ito kahaba, walang nagtatangkang lumusot sa mga guards...)

Ang pagod ay may kaakibat na ginhawa (isipin mo na lang kung ano pa ang pwedeng mong magawa sa tren maliban sa mga naibahagi na...)

Ang wais at matiyaga ay may pabuya (ang byaheng-tren ay mas mabilis, at di hamak na mas komportable kumpara sa dyip - dito ang air ay conditioned at di ka pa mata-trapik! o sa'n ka pa?

Sabi nila, walang madali sa buhay...
Ang bawat gawain ay may kaukulang mahalagang aral...
Ang pagsuko'y kapalaluan, lalo na't hindi pa sinusubukan...
Kaya't sa'yo aking kaibigan, sana'y huwag kakalimutan...

...ang tren ay laging nandyan...sakay na't nang maraming matutunan! :)


No comments:

Post a Comment