(Akda noong ika-25 ng Mayo,2009, alay para sa mga Kulot na bahagi na ng aking buhay. Kami'y naglakbay nang malayo at sa kanila'y nakipamuhay. Sinong mag-aakalang ang ilang araw naming pamamalagi sa kanilang munting pamayanan ay magiging napakagandang karanasang kailanma'y di malilimutan? Sana'y sa susunod naming pagdalaw, makasama ka kaibigan! :)
DOON PO SA MARIVELES
Noong una ako'y takot, may pangamba sa puso't isipan
Kaya't mga naunang paanyaya'y di ko pinaunlakan
Subalit sa kagustuhang mapayaman ang karanasan
Naglakas-loob akong immersion ay subukan.
Sa kabundukan sa Bataan, ako'y nanirahan
Kasama nina Nanay at kids sa kanilang munting tahanan
Maraming mahalagang bagay akong natutunan
Mga aral na panghahawakan ko magpakailanman.
Sa Upper Bia-an,walang
mahirap, walang mayaman
At mapabundok man o karagatan, sagana sa yamang-kalikasan
Nakakatuwang-isiping sa kanila'y walang ganid o gahaman
Totoo sa prinsipyong kumuha lang ng sapat sa pangangailangan
Sa sandaling pagdalaw, ako'y nasiyahan
Tunay na pakikipagkapwa'y aking naranasan
Ngunit higit sa lahat, aking natutuna't naramdaman
Ang ugat ng ligaya'y simpleng pamumuhay, kaibigan.
Pag-aaruga sa kapwa'y dapat na walang pag-aalinlangan
Maging kulot, unat, maitim o maputi ka pa man.
Paggalang, pagbibigayan, pagkakaisa't pagkakapatiran
Sa lahat ng panaho'y ipamalas, tanda ng wagas na pagmamahalan.
Ang mga Aetang nagpatuloy sa aki'y lubos kong hinahangaan
Sila'y parang mga anghel sa kalangitan
Tama nga't totoo ang minsan ng tinuran
"Kung anong itim ng balat nila'y siyang puti ng puso nila sa kabusilakan"
Ako'y umuwing malungkot at luhaan
Subalit hindi dahil ako'y naloko o sinaktan
Mga Aetang ginigiliw na dati'y di ko matingnan
Aking mami-miss at siguradong babalik-balikan!
Kumusta po? :-) |
No comments:
Post a Comment