Ang tagal na grabe!
(Kaya ayan...halos di mo masimulan...)
Ang dami nang temang pumasok sa iyong isipan....ang dami nang mga pagkakataong ganito ang iyong pinalampas....paano ka nga naman magsisimulang muli kung ang dating gawaing kinagigiliwan ay iyo nang nakalimutan at ngayo'y parang ng isang tinik sa lalamunan?
Mabuti na lamang at may mga panahong ganito: gigising kang may multo sa isip...at sa tabi mo! Bahala ka na kung aling multo ang pagbibigyan mo, at kung paano - maari kasing pumikit ka na lamag hanggang sa mawalan ka ng malay, o kumaripas ka ng takbo patungo sa kung saang di mo alam o kaya'y bumangon at harapin ang multong tila sumusundo sa'yo.
Ngayo'y wala kang magawa kundi sumunod...maaring sadyang nakakatakot ang multong hinarap mo at natalo ka sa laban, o kaya nama'y napilitan kang makipagkasundo para sa pansarili na ring katahimikan...ayos! Sa wakas, wala na ring paglalabanan!
Kung tutuusin, sa dami ng maaring pag-usapan, madali lang sana ang balikan ang nakagisnan...hindi naman nga 'yon basta-basta nawawala sa puso, damdami't isipan. Kaunting pagmumuni-muni lang, may maisusulat ka nang makabuluhan. Subalit, sa dahilang ang mga iyon ay bahagi na ng nakaraan, puspusang konsentrasyon pa rin ang kailangan, mahabang panahon ang gugulin bago pa man maibalik ang mga ideyang kapag nailathala'y maituturing na palaisipan.
Haay! May multo! Gising na, kaibigan!
No comments:
Post a Comment